Si Francisco Baltazar (ipinanganak na Francisco Balagtas y de la Cruz; 2 Abril 1788–20 Pebrero 1862), mas kilala bilang Francisco Balagtas, ay isang tanyag na Pilipinong makata, at malawakang itinuturing na isa sa mga pinakadakilang Pilipinong pampanitikan na laureate para sa kanyang epekto sa panitikang Filipino. Ang sikat na epiko, ang Florante at Laura, ang kanyang pinakakilalang obra maestra.
Unang mga taon
Si Francisco Balagtas Baltazar ay ipinanganak noong 2 Abril 1788 sa Panginay, Bigaa, Bulacan (ngayon ay Balagtas).Tinatawag rin siyang Kiko at Balagtas. Ang mga magulang niya ay sina Juana dela Cruz at Juan Baltazar at ang mga kapatid rin niya ay sina Felipe, Concha at Nicolasa. Sa gulang na 11, lumuwas ng Maynila,upang makahanap ng trabaho at makapag-aral. Pumasok siya una sa paaralang, Parokyal sa Bigaa, kung saan siya'y tinuruan tungkol sa relihiyon. Naging katulong siya ni Donya Trinidad upang makapagpatuloy siya ng kolehiyo sa Colegio de San Jose sa Maynila. Pagkatapos, nag-aral naman siya sa Colegio de San Juan de Letran at naging guro niya si Padre Mariano Pilapil. Rochelle Sagaoinit
Buhay bilang isang manunulat
Taong 1835 nang manirahan si Kiko sa Pandacan, Maynila. Dito niya nakilala si Maria Asuncion Rivera. Ang marilag na dalaga ang nagsilbing inspirasyon ng makata. Siya ang tinawag na "Selya" at tinaguriang M.A.R. ni Balagtas sa kanyang tulang Florante at Laura. Naging karibal niya si Mariano "Nanong" Kapule sa panliligaw kay Selya, isang taong ubod ng yaman at malakas sa pamahalaan. Dahil sa ginawa niya sa pagligaw kay Selya, ipinakulong siya ni Nanong Kapule para hindi na siya muling makita ni Selya. Habang nasa kulungan siya, pinakasalan ni Nanong Kapule si Selya kahit walang pag-ibig na nadarama si Selya para kay Nanong Kapule. Doon sa kulungan, isinulat niya ang Florante at Laura sa papel ng De Arroz para kay Selya.
Trabaho at Pamilya
Noong 1838, nakalaya na siya sa kulungan. Nadestino at naging klerk sa hukuman si Kiko noong 1840 sa Udyong, Bataan. Dito niya nakilala si Juana Tiambeng na kanyang naging asawa. Nagpakasal sila noong 1842. Si Tiambeng ay 31 at si Balagtas naman ay 54. Sa kauna-unahang pagkakataon, ginamit niya ang Baltazar sa kanyang sertipiko ng kasal. Doon, nagkaroon siya ng apat na anak kay Juana Tiambeng. Humawak din siya ng mataas na tungkulin sa Bataan-tenyente mayor at juez de semantera.
Huling mga Araw
Nabilanggo muli si Kiko sa Balanga, Bataan dahil sa sumbong na pinutol niya ang buhok ng katulong na babae ni Alferez Lucas. Nakalaya siya noong 1861. Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat ng mga komedya, awit at korido nang siya ay lumaya. Bago mamayapa, ibinilin niya sa kanyang asawa na "Huwag mong hahayaan na maging makata ang alin man sa ating mga anak. Mabuti pang putulin mo ang mga daliri nila kaysa gawin nilang bokasyon ang paggawa ng tula." Namayapa siya sa piling ng kanyang asawa, Juana Tiambeng at mga anak noong 20 Pebrero 1862. Namatay siya sa gulang na 74, dahil sa sakit na pulmonya at dahil narin sa kanyang katandaan.
Sinasabing ang mga pagsubok sa buhay ni Balagtas, at ang kaniyang pagsusumikap upang malagpasan ang mga ito, ang pumanday sa kaniya upang maging isang mabisa at matagumpay na makata.
Buod ng Florante at Laura
Ang kuwento ng Florante at Laura ay nagsisimula sa isang madilim na gubat sa may dakong labas ng bayang Albanya, malapit sa ilog Kositong na ang tubig ay makamandag. Dito naghihimutok ang nakataling Florante na inusig ng masamang kapalaran. Ang mga gunita niya ay naglalaro sa palagay niya ay nagtaksil na giliw na si Laura, sa kanyang nasawing ama, at kahabag-habag na kalagayan ng bayan niyang mahal.
Sa gubat ay nagkataong may naglalakad na isang Moro na nagngangalang Aladin. Narinig niya ang tinig ni Florante at dali-dali niya itong tinunton. Dalawang leon ang handang sumakmal sa lalaking nakatali. Pinatay ni Aladin ang dalawang mababangis na hayop at kanyang kinalagan at inalagaan si Florante hanggang sa muling lumakas.
Ikinuwento ni Florante ang kanyang buhay. Siya ay anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca. Muntik na siyang madagit ng buwitre at iniligtas siya ng kanyang pinsang si Menalipo na taga-Epiro. Sinambilat ng isang halkon ang kwintas niyang diyamante. Pinadala siya ng kanyang ama sa Atena upang mag-aral sa ilalim ng gurong si Antenor. Natagpuan niya doon ang kanyang kababayang si Adolfo na kanya ring lihim na kaaway. Iniligtas siya ni Menandro sa mga taga ni Adolfo nang minsang magtanghal sila ng dula sa kanilang paaralan. Tapos ay nakatangap si Florante ng liham tungkol sa pagkamatay ng sinisinta niyang ina.
Pagkabalik niya sa Albanya kasama ang matalik niyang kaibigang si Menandro, pinatay niya si Heneral Osmalik na kumubkob sa Krotona. Nagkaroon siya ng mga tagumpay sa labimpitong kahariang di-pa-binyagan matapos niyang iligtas si Laura sa hukbo ni Aladin na umagaw sa Albanya nang siya’y nakikipaglaban sa ibang bayan. Natalo din niya ang Turkong hukbo ni Miramolin at iba pa. Nagwakas ang kanyang pagsasalaysay sa pandarayang ginawa sa kanya ni Adolfo matapos kunin ang trono ng Albanya at agawin sa kanya si Laura.
Nagpakilala ang Moro na siya’y si Aladin, kaaway na mahigpit ng relihiyong Kristiyano at ng bayan ni Florante. Ang kanyang kapalaran ay sinlagim ng kay Florante. Inagaw sa kanya ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab ang kanyang kasintahang si Flerida.
Pagkatapos ng pagsasalaysay ay narinig nila ang dalawang tinig na nag-uusap. Tumayo ang dalawang lalaki at nakita nila sina Laura at Flerida na nag-uusap. Si Flerida’y tumakas sa Persya upang hanapin si Aladin at nang mapagawi siya sa may dakong gubat ay nasumpungan niya si Laura na ibig gahasain ni Adolfo, pinana niya ito at naligtas si Laura sa kamay ng sukab.
Ikinuwento ni Laura ang paghuhuwad ni Adolfo sa lagda ng kanyang ama upang madakip si Florante. Isinalaysay niya ang pamimilit ni Adolfo sa kanya at pagdadala sa gubat.
Sa ganoon ay nabatid nina Florante at Aladin na ang kani-kanilang mga katipan ay pawang tapat sa kanila. Sina Florante at Laura ay matagumpay na naghari sa Albanya at sina Aladin at Flerida, pagkatapos na maging binyagan at pagkamatay ni Sultan Ali-Adab, ay naghari sa Persya.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento